
Prinsesa
ni. Lawrence R. Gonzales
October 18, 2012
Magmula nang Ika'y Masilayan
At mga mata nati'y nagkatinginan
Sa Puso ko'y nagkaroon ng kaguluhan
Parang mga manok na nagtilaukan.
Ganda ng buhok nakabibighani
Napakaganda mo kung ngumiti
Masilayan ka'y hinahangad kong lagi
Kasiyahan kong makita kang muli.
Sa tulad mong magandang binibini
Laman ng puso'y di kayang ikubli
Damdaming hindi mapakali
Kailan kaya ito masasabi.
Ika'y prinsesa sa gitna ng madla
Ako'y nahalina sa maganda mong mukha
Tulala at hindi makapagsalita
Parang kulog na sa akin ay bumigla.
Kung sakaling ako'y makalapit
Huwag sanang salita ko'y mapilipit
Para akong bawang na pinitpit
At ang dila ko yata ay naipit.
Kung minsan parang gustong magkasakit
Kung ikaw ang doktorang lalapit
Sa tingin ko mawawala itong sakit
Lalo na kung tayo'y magkakalapit.